Kita sa shabu sa Subic gamit sa BSK election? NARCO POLITICIAN NAG-LIE LOW NOON NAGBALIK NGAYON

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MATAPOS ‘magpalamig’ noong administrasyong Duterte, nagbalik sa sirkulasyon ang isa umanong narco politician na ngayon ay isinasangkot sa pagpupuslit ng P3.6 billion shabu na nasamsam sa Mexico, Pampanga kamakailan.

Ang naturang politiko ay nakabilang umano sa narco-list ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil dito, lumutang na maging halalang pambarangay at sangguniang kabataan ay pinopondohan na rin ng sindikato sa droga na nag-o-operate sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Nabunyag din na ilang kandidato sa pagkabarangay at SK ang nagmamaktol umano ngayon dahil wala pa ang hinihintay nilang ayuda para ipangtustos sa kampanya sa nalalapit na October 30, BSK election.

Nabatid na maraming barangay officials ang naiinip sa mga ipinangakong pondo sa kanila ng ilang local officials.

Umugong naman ang balita na kaya na-delay ang inaantay nilang pondo dahil sa pagkakasamsam ng P3.6 billion (530 kilos) na shabu sa Pampanga.

Kung nai-distribute lamang ito nang maayos, ayon sa ilang barangay officials, sana ay mala-piyesta na ang tema ng kanilang kampanya.

Nauna nang iniulat na may politikong kasama sa narco-list ni Duterte ang nasa likod ng pagpupuslit ng P3.6 billion shabu.

Si politician ay minsan nang nag-lie low noong nakalipas na administration, ngunit bumalik umano ito sa pagpapalusot ng illegal na droga bago matapos ang termino ni PRRD.

Ang P3.6 billion shabu ay na-intercept ng pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at SBMA management sa pamamagitan ng ‘controlled delivery,’ na kaduda-duda namang wala kahit isang suspect ang naaresto.

Marami ang naniniwala na ang pagpupuslit ng ipinagbabawal na gamot ay matagal nang nangyayari sa SBMA.

Katunayan, noong Hulyo 2016 ay isang foreign vessel ang nasakote ng PNP.

Mismong si dating PNP chief at ngayo’y Senador Bato Dela Rosa ang nakahuli sa naturang barko na naglalayag sa coastline ng Subic, Zambales.

Napatunayan na ang barko ay ginagamit bilang shabu laboratory.

Apat na Chinese nationals mula sa Hong Kong ang naaresto ng grupo ni Senador dela Rosa.

239

Related posts

Leave a Comment