Kumbinsidong may dayaan sa 2022 polls MGA BOTO SA ILANG LUGAR MULING BILANGIN – KONTRA DAYA

NANAWAGAN ang election watchdog na Kontra Daya noong Lunes sa Commission of Elections (Comelec) na muling bilangin ang mga boto na nakuha sa piling lugar upang ayusin ang umano’y mga iregularidad sa pagsasagawa ng 2022 national and local elections.

Sa ikinasang rally sa Plaza de Roma, Intramuros, Manila, hinamon ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) undersecretary Eliseo Rio Jr. ang poll body na muling buksan ang ilang ballot boxes lalo na sa bayan ng Santo Tomas sa Batangas.

Bilang tugon, sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na ang mosyon ng grupo ay isasama sa agenda ng en banc meeting na nakatakda sa Miyerkoles.

Paulit-ulit na iginiit ni Garcia na hindi dinaya ang mga resulta ng 2022 polls, binanggit na ang mga natuklasan ng random manual audit ng mga boto ay tumugma sa 99.93% ng election returns.

Kasunod ng mga botohan noong Mayo 9, 2022, iginiit ng Kontra Daya na nagkaroon ng pandaraya sa halalan, binanggit ang kawalan ng transparency sa automated elections system at kawalan ng ekspertong pangangasiwa at mga hakbang upang matiyak ang integridad, bukod sa iba pa.

Ayon sa Makabayan bloc, humirit ng legislative inquiry sa usapin, natuklasan ng pangkat ng computer forensic examiners ni Rio na malaking porsyento ng mga resulta ng presinto sa Metro Manila at dalawang probinsya ang natanggap mula sa iisang pribadong IP address, ito ay “192.168.0.2”.

Noong Oktubre 2023, sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa mga serbisyo ng technology provider ng Smartmatic noong 2022 polls, sinabi ni Garcia na imumungkahi niya sa Comelec en banc ang pagbubukas ng mga ballot box na ginagamit sa halalan.

(JOCELYN DOMENDEN)

71

Related posts

Leave a Comment