PINAG-IINGAT ang publiko sa pagbibigay ng donasyon o ano mang tulong sa nagsasabing mga biktima sila ng sunog sa Dulong Tangke, Valenzuela City.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod, ito ay sa dahilang maging ito ay napasok na rin ng mga manggagantsong labis na mapagsamantala, na pati ang pagdurusa ng mga nasunugan ay hindi pinatawad.
Dagdag ng City Hall, para makasiguro ay maaaring magpaabot ng ‘in-kind donations’ sa City Social Welfare and Development Office na matatagpuan sa Valenzuela City ALERT Center.
Para naman sa cash donation ay maaaring magdonasyon sa City Treasurer’s Office sa Finance Building ng City Hall.
Maaari ring magpasok ng pondo sa City Government of Valenzuela Special Trust Fund sa Account Number na 0252-1061-38, LandBank Valenzuela Branch.
Para naman sa mga nais magbigay ng mainit o lutong pagkain ay maaaring magbigay sa Malinta Elementary School, Malinta National High School at Malinta Junior High School. (ALAIN AJERO)
146