LALAKI NAGTANGKANG TUMALON SA TULAY SA SAMPALOC

ISANG lalaki na nagtangkang magbuwis ng buhay ang nasagip ng mga awtoridad sa Mabini Bridge sa Sampaloc, Manila noong nakaraang Lunes.

Ayon sa ulat ng Manila Police District, kinilala ang biktimang si Armon Quinagoran, 30, at residente ng Sampaloc, Manila.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, commander ng Manila Police District – Sampaloc Police Station 4, bandang alas-11:30 ng tanghali nang makatanggap sila ng report hinggil sa isang lalaki na nagtatangkang tumalon mula sa tulay ng northbound ng Mabini Bridge.

Dahil dito, agad na nagtungo sa lugar si Villaruel kasama ang kanyang mga tauhan, kabilang sina Police Staff Sergeant Justine Dimaano at Police Corporal Jason Soriano, ng Lacson Police Community Precinct.

Bukod sa mga operatiba ng Station 4, dumating din ang mga tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit at Bureau of Fire Protection.

Makaraan ang ilang minutong negosasyon, nakakuha ng pagkakataon ang mga awtoridad na malansi ang biktima at saka ito sinunggaban bago tuluyang nakatalon.

Matapos na mapakalma, ipinasa ang biktima sa kustodiya ng kapatid na si Rachel.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo ng tangkang pagpapatiwakal ng biktima. (RENE CRISOSTOMO)

333

Related posts

Leave a Comment