LANSANGAN, GUSALI NG PAGASA SA CARAGA PINAKUKUMPUNI NI PBBM

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na iprayoridad ang pagkukumpuni sa mga nasirang lansangan at ang gusali ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Caraga.

Nagbigay ng direktiba ang Pangulo matapos ang pag-uulat hinggil sa mga napinsala kasunod ng kamakailan lamang na pagbaha at paglindol sa rehiyon.

Sa situation briefing ukol sa epekto ng tuloy-tuloy na low pressure area (LPA) sa Caraga region, malungkot na ibinahagi ni Surigao del Sur Governor Alexander Pimentel na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagagamit ang school buildings, lansangan at tulay kasunod ng magnitude 7.4 earthquake noong December 2023.

Tinuran ni Pimentel ang kanyang concern, iniulat ang naging karanasan ng Surigao del Sur kung saan nakaranas ng 10,000 aftershocks simula ng malakas na lindol na umuga sa lalawigan.

Winika ni Pangulong Marcos na titingnan ng DPWH ang isyu na inihayag ni Pimentel sa oras na bumuti ang sitwasyon sa lalawigan.

“Basta medyo mas maganda na ang weather at tapos na ang pagbaha, pwede na talagang matignan nila ng mabuti kung ano ang naging damage sa kalsada, ‘yung mga erosion, ‘yung mga footing ng tulay. All of these things, they will have to be assess properly tapos bibigyan tayo ng recommendation kung ano ang dapat gawin,” aniya pa rin.

“The Department of Public Works will look of course and we will as usual prioritize those thoroughfares that are not passable going to na-isolate na barangays,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.

Sinabi naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel kay Pangulong Marcos na napinsala ang gusali ng PAGASA sa bayan ng Hinatuan dahil sa lindol, naapektuhan ang Doppler radar ng ahensya na nagmomonitor sa weather disturbances.

Ani Pimentel, ipinaalam na niya sa Department of Science and Technology (DOST) ang bagay na ito subalit hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon.

(CHRISTIAN DALE)

83

Related posts

Leave a Comment