LOYALTY CHECK SA HANAY NG PNP, ‘DI KAILANGAN

NILINAW kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief, PGen. Benjamin Acorda Jr., na walang pangangailangan na magsagawa pa ng loyalty check sa kanilang hanay.

Kasunod ito ng paghahain niya ng pormal na reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa retired army general at vlogger na si Johnny Macanas dahil sa pagdawit sa kanya gayundin kay AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr., sa usapin ng umano’y destabilisasyon laban kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Tiniyak ni Gen. Acorda sa publiko na nananatiling buo at matatag ang suporta ng buong hanay ng Pambansang Pulisya kay Pangulong Marcos bilang kanilang Commander-in-Chief at sa sinumpaan nilang mandato na igagalang ang Saligang Batas at ang watawat ng Pilipinas.

Samantala, sa panig ng AFP, nilinaw ng pamunuan ng hukbo na buong-buo ang kanilang suporta kay PBBM at hindi nila papatulan ang anomang isusulong na destabilisasyon kahit pa isang retired general at naging tagapagsalita ng Army 4th Infantry Division at dating pinuno ng Army Reserved Force si Macanas.

Una nang sinabi ni AFP Spokesperson, Col. Medel Aguilar na nakatutok sila ngayon sa mas mahalagang misyon tulad ng laban kontra terorismo, insurgency at pagtatanggol sa soberanya ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Kahapon ay nagkasama-sama ang matataas na mga opisyal ng PNP sa Camp Crame para sa tradisyunal na New Year’s call.

Pinangunahan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang New Year’s call kasama ang kanyang command group.

Dito, inaasahang magbibigay siya ng direktiba sa senior officers kasama ang directorial staff, regional, provincial at city directors at head ng mga support unit.

Kinahapunan ay hinarap naman sila ni DILG Secretary at National Police Commission chairman Atty. Benjamin Abalos Jr.

Nabatid na ang New Year’s call ay isang tradisyon sa uniformed service kung saan nagbibigay ng courtesy ang mga subordinate leader sa kanilang mga commander.

(JESSE KABEL RUIZ)

124

Related posts

Leave a Comment