ARESTADO ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa international airport sa Pampanga ang isang wanted na South Korean national sa mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.
Ayon sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng BI Border Control and Intelligence Unit (BCIU), ang pasahero na si Lee Seunggon, 36, nasabat sa Clark International Airport (CIA) bago pa man ito makasakay sa Philippine Airlines na biyaheng Incheon.
Ayon sa BCIU, pinigil ang nasabing Koreano nang napansin ng mga immigration officer ang pangalan nito sa ‘hit’ sa database ng mga dayuhan na may derogatory records.
Nabatid na bukod sa wanted siya sa kanilang bansa, si Lee ay nasa listahan ng wanted sa BI dahil mayroon itong deportation case noong Hunyo ng nakaraang taon dahil sa pagiging undesirable alien.
“We will thus deport him as soon as we have secured the necessary clearances for his departure. He was already included in our blacklist to prevent him from reentering the country,” ayon kay Tansingco.
Base sa impormasyon ng BCIU Interpol Team, si Lee ay may nakabinbin na warrant of arrest na inisyu ng Suwon District Court sa Korea.
Mayroon din itong red notice na inisyu ng Interpol na naging basehan para sampahan ng deportation case.
Base sa record ng mga awtoridad sa Korean, si Lee ay miyembro ng voice phishing syndicate, at sa pagitan ng Marso hanggang Mayo 2021 at tumawag sa kanilang mga biktima at nagpautang.
Dito ay hinikayat nila ang kanilang mga biktima na maglipat ng kanilang bank accounts sa suspek sa pamamagitan ng pag-aalok ng mababang interest kapalit ng mabilis na pagbabayad nila sa kanilang utang at processing fees.
(JOCELYN DOMENDEN)
104