Lumambot sa mga tsuper, operator PUVMP PINASUSUSPINDE NG KAMARA KAY MARCOS

INAPRUBAHAN ng House committee on transportation ang resolusyon na nananawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na suspendihin ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng nasabing komite na pinamumunuan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop, walang tumutol sa resolusyon ni Laguna Rep. Dan Fernandez na ipasuspinde kay Marcos ang nasabing programa.

Magugunita na pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline sa consolidation ng mga prangkisa hanggang Enero 31, 2024 mula December 31, 2023 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tsuper at operator na iconsolidate ang kanilang prangkisa sa isang korporasyon at kooperatiba.

Gayunpaman, habang papalapit ang deadline ay umaabot pa sa 1,948 ruta sa buong bansa ang hindi nakapag-consolidate kung saan 300 dito ay nasa Metro Manila.

Ayon kay Fernandez, kailangan pa ng karagdagang panahon para magkaroon ng pagkakataon ang Department of Transportation (DOTr) na masolusyunan ang mga ito at maiwasan ang transport crisis partikular sa Metro Manila.

Unang sinabi ng LTFRB na simula Pebrero 1 ay hindi na papayagan ang mga pampasaherong jeep na bumiyahe at sinoman ang magtatangkang mamasada ay huhulihin at iimpound ang kanilang sasakyan.

“Kung hindi natin ito sususpendihin, ang mga commuters ang mahihirapan,” ayon naman kay 1Rider party-list Rep. Bonifacio Bosita dahil tiyak na tataas ang pamasahe na sa pagtataya nito ay aabot ng P35 hanggang P45 mula sa kasalukuyang P11.

(BERNARD TAGUINOD)

36

Related posts

Leave a Comment