Makalipas ang tatlong taon LECHON FESTIVAL BUMIDA ULI SA QC

MATAPOS ang tatlong taong pananahimik bunsod ng banta ng pandemya, muling bumida ang magarbong Lechon Festival sa La Loma, Quezon City.

Kasabay ng kapistahan ng Nuestra Señora De Salvacion, ipinarada sa tinaguriang Lechon Capital ang katakam-takam na litson na pangunahing kabuhayan ng mga taga-La Loma sa nakalipas na mga panahon.

Sa hudyat ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, dinagsa ng QCitizen ang pagbabalik ng tradisyong dinarayo ng QCitizens at mga dayuhang turista.

“Simula 2000, tuwing ikatlong Linggo ng Mayo, ipinagdiriwang natin ang Lechon Festival dito sa La Loma. Sa kasamaang-palad, pansamantala itong natigil dahil sa pandemya. Kaya naman ngayon, ginawa nating mas makulay, mas bongga at mas masaya ang ating selebrasyon sa Lechon Capital of the Philippines,” ani Belmonte.

Umabot sa 25 naggagandahang karosang gawa ng mga tinaguriang lechonero, ang lumibot sa La Loma tampok ang bida ng hapag-kainan sa tuwing may okasyon – mga naglalakihang lechon na binihisan pa ng makukulay na kasuotan.

“Hindi kumpleto ang birthday, graduation, anniversary, o binyag kung wala ang lechon. Kaya dito sa ating lungsod, ibinibida at ipinagmamalaki natin ang ‘star’ ng mga selebrasyong Pinoy,” dagdag pa ng alkalde.

Pagkatapos ng makulay na parada ng lechon, nagdaos din ng prusisyon ang mga residente ng La Loma bilang pasasalamat sa patron ng Nuestra Señora De Salvación.

Kabilang din sa mga itinampok sa kauna-unahang Lechon Festival sa nakalipas na tatlong taon, ang Lechon Reinvention Cook-Off – isang paligsahan ng pinakamasarap na luto ng lechon.

Para naman kay Quezon City Tourism Department officer-in-charge Ma. Teresa Tirona, bahagi na ng pagkakakilanlan ng Quezon City ang mayamang kultura ng pagluluto ng lechon sa La Loma.

“Maituturing nating haligi na ng mayamang kultura ng Quezon City ang La Loma. For 50 years, hindi maikakaila na isa ito sa mga pinaka-dinarayong destinasyon sa QC at sa buong Metro Manila,” ani Tirona.

Taong 2000, sa ilalim ng pamumuno ni dating Quezon City Mayor Sonny Belmonte nang unang sumipa ang Lechon Festival sa La Loma sa kumpas ng noo’y LLA president Monchie Ferreros (Monchie’s Lechon).

Makaraan ang dalawang taon, isinulong ng matandang Belmonte ang City Ordinance 2961 na opisyal na kumikilala sa La Loma District bilang isa sa Tourism Districts ng Quezon City.

162

Related posts

Leave a Comment