MANDATORY FACE MASK SA SENIORS, MAY COMORBIDITY LABAG SA BILL OF RIGHTS – KSMBPI

NANINIWALA si Dr. Mike Aragon, chairman ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) na isang paglabag sa Article 3 Section 1 ang mandatory face mask sa mga senior citizen at immunocompromised individual sa mga indoor place at public utility vehicles dahil walang batas na nagtatakda rito.

Sa ginanap na Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Aragon na labag sa karapatan na malayang makapamuhay ng isang indibidwal ang puwersahang pagpapasuot ng face mask. Ang pahayag ni Aragon ay batay na rin sa rekomendasyon ng legal team ng KSMBPI na suportado ng dating Pangulo ng Philippine Medical Association (PMA) at Clean Air Philippine Movement Inc. (CAPMI) President na si Atty. Leo Olarte at dating Senador Joey Lina.

Bagama’t hindi umano siya tutol sa pagsusuot ng face mask bilang proteksyon laban sa COVID-19, dapat na may kaukulang batas ang dalawang kapulungan ng Kongreso na ipinasa at nilagdaan ng Pangulo upang hindi malabag ang karapatan ng isang indibidwal.

Ikinatuwa naman ni Cebu Mayor Mike Rama ang naging desisyon ng pamahalaan na sundan ang kanilang naunang hakbangin na gawing voluntary o optional na lamang ang pagsusuot ng mask.
Aniya, ito ang nakita nilang solusyon para maibalik ang sigla ng ekonomiya mula sa epekto ng pandemyang COVID-19.

Kaugnay nito, pabor din si Dr. Benito Atienza, Vice President, Philippine Federation of Professional Association (PFPA) sa pagsusuot ng face mask laban sa COVID-19.

Bukod dito, hinikayat din ni Atienza ang lahat na magpabakuna lalo na ang booster upang higit na malabanan ang COVID-19 at anopamang mga variant na maaring dumating.

Pinaalalahanan din ni Atienza ang lahat na bukod sa COVID-19 ay dapat ding bantayan at ingatan ang pagkakaroon ng sakit na dengue na sa kasalukuyan ay tumataas ang bilang lalo na ngayong madalas ang pag-ulan.

7

Related posts

Leave a Comment