MARCOS TIKLOP SA DRUG TEST

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG tumiklop si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga hamon na muling sumailalim sa drug test dahil sa patuloy nitong pagkikibit-balikat.

Noong Enero, ikinatwiran ng Pangulo na hindi niya binibigyang halaga ang mga katulad na panawagan.

Sa panayam ng Unang Balita ng GMA 7, Martes ng umaga, hinikayat ng dating executive secretary ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na sumailalim ito sa “credible hair follicle drug test” para matuldukan na ang mga haka-haka at alegasyon na isa siyang illegal drug user.

“It’s not dignifying, it’s heading the call and the clamor of the Filipino people. You know, if you have nothing to hide, it simple, just undergo a credible hair follicle drug test, because, even my daughters who are very very young are subjected to random drug testing in their school, kaming mga magulang hindi kami nagreklamo, gusto nga namin eh, because what if our daughters would be associated with classmates that are drug dependents at this very early stage of their life,” ayon kay Rodriguez, kumalas sa administrasyong Marcos noong 2022.

Si Rodriguez ay kabilang sa mga dumalo sa Tagum City rally noong Linggo kung saan muling binanggit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang di umano’y paggamit ng ilegal na droga ni Pangulong Marcos.

Nitong nakaraang Enero, tinawag ni Duterte na “bangag” si Marcos sa prayer rally sa Davao City.

Sinabi pa niya na nasa drug watchlist umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Pangulo –na kaagad namang itinanggi ng ahensiya.

Pero makalipas ang isang buwan ay itinanggi ni Duterte na inakusahan niyang drug addict si Marcos Jr.

Para kay Rodriguez, makabubuting sumailalim sa drug test ang Pangulo para matapos ang mga akusasyon laban dito at sa iba pang nasa pamahalaan.

“So, para matapos na ‘yan, bakit hindi sumailalim yung mga nakakaladkad na pangalan sa isang hair follicle drug testing,” ani Rodriguez.

Kasabay nito, pinanindigan ni Rodriguez na negative ang resulta ng drug test ni Marcos na isinapubliko niya noong 2021.

“Ako ay nakakaladkad at ako raw ay nagpapakita ng pekeng resulta ng 2021, and in your program Ivan, sasabihin ko sa lahat na aking pinaninindigan ang resultang aking ipinakita noong 2021 na negatibo si then BBM, ang kandidatong BBM. Kaya nga sabi ko, once and for all because I value my name and integrity and character, I had to undergo myself to a drug test kahit hindi kinakailangan upang mapasinungalingan na dinoktor daw, kaya ang akin namang hamon bilang tugon din sa programa ng DILG in partnership with a private firm and private organization to have a drug free workplace. Kahit kayo dyan sa GMA 7, bakit hindi mag-undergo ng drug test lahat para matigil na itong hindi mamatay-matay na usapan na may mga gumagamit umano ng droga sa mga namumuno ngayon sa ating pamahalaan”.

Binanggit din ng unang executive secretary ni PBBM na ang kanyang pagdalo sa Maisug rally noong Linggo sa Tagum City ay pagpapahayag ng suporta sa panawagan na protektahan ang Saligang Batas.

“Ako ay naroroon doon sa panawagan ng Hakbang ng Maisug for all of us to protect and defend the constitution. There’s so many things that are happening now na talaga namang hindi sang-ayon doon sa mga provision sa ating constitution kaya patuloy akong sasama doon sa Hakbang ng Maisug para sa ating patuloy na panawagan just to protect and defend our constitution,” aniya pa rin.

Naniniwala naman si Rodriguez na ang suspensyon kay Davao del Norte Governor Edwin Jubahib ay dahil sa pagtanggi nito sa kahilingan na huwag magbigay ng permit sa rally noong Linggo sa Tagum City.

“Merong nagtangkang pumigil na bigyan niya ng permiso yung rally noong Linggo at noong hindi napagbigyan ang kasunod ”yung kanyang suspension,” ayon pa rin kay Rodriguez.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

94

Related posts

Leave a Comment