MAYOR, 4 NEGOSYANTE NAISKORAN NG SCAMMER

RIZAL – Nabiktima ang alkalde ng Angono at apat na maliliit na negosyante nang umorder ng sandamakmak na pagkain ang nagpakilalang empleyado ng munisipyo at ipina-deliver sa tanggapan ng una.

Sa Facebook post ni Mayor Jeri Mae Calderon, sinabi niyang maging siya ay nabigla nang magkakasunod na dumating sa munisipyo ang mga delivery crew ng apat na establisimyento kung saan di umano’y umorder ang isang nagpakilalang Fernando Ablaza.

Paglilinaw ni Calderon, wala sa talaan ng kanilang Human Resources Department ang pangalan ni Ablaza, na nagpadala ng halos P12,000 halaga ng mga pagkain mula sa apat na establisimyento sa nasasakupang lokalidad.

Sa isinagawang imbentaryo, umabot sa P2,300 na halaga ng Takoyaki at Milktea ang inorder mula sa Fiesta Koyali at Festeaval Cafe, habang P1,825 na halaga ng pizza at bottled water ang inorder online mula sa Jhulz Simply Delish.

Hindi rin pinalusot ng prankster ang Liberty Prod na pinagdeliver ng P2,440 halaga ng iba’t ibang putahe ng pagkain at ang halagang P5,200 na ulam, silog meals at milk tea naman ang nadenggoy sa Hiraya and Trabi Cafe.

Base sa salaysay ng mga kinatawan ng mga nabiktimang establisimyento, nagpakilalang empleyado sa Office of the Mayor si Ablaza na nagpadeliver sa munisipyo ng mga pagkaing di umano’y ipamamahagi sa local frontliners.

Bagamat naghain na ng reklamo sa lokal na pulisya ang tanggapan ng alkalde, kumbinsido naman si Calderon na hindi tunay na pangalan ng suspek ang Fernando Ablaza. Kaugnay nito, naglaan ng pabuya ang punongbayan sa makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ng suspek.

(ENOCK ECHAGUE/KNOTS ALFORTE)

12

Related posts

Leave a Comment