UMABOT sa 123 biktima ng trafficking-in-persons ang na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Navy at nakakumpiska ng high powered firearms at shabu sa Tubalubac Island, Barangay Aluh Bunah, Pangutaran, Sulu.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command, Vice Admiral Toribio Adaci Jr., isang surprise law enforcement operation ang inilunsad ng Naval Task Force-61 na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM).
Ayon sa ulat ng NFWM, isinasailalim sa forced labor, partikular sa spearfishing, ang nasagip na mga biktima na karamihan ay mula sa Cebu at Bohol.
Pinagagamit umano ng ilegal na droga ang mga biktima para matiis ang trabaho.
Nakuha sa isinagawang operasyon ang ilang baril, bala, magazine, gamit sa pampasabog at nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu sa loob ng bahay ng isang Jammang.
Nakatakas naman ang grupo ng mga recruiter at handler, kabilang ang isang Jammang at ang 15 kasabwat, bitbit ang ilang high-powered firearms, na target ngayon ng manhunt operation.
Nasa kustodiya na ng Ministry of Social Services and Development-BARMM ang mga biktima.
(JESSE KABEL RUIZ)
296