Paniwala ng publiko sa ginagawa ng gobyerno kay Teves: PERSEKUSYON HINDI PROSEKUSYO

(JOEL O. AMONGO)

KUNG pagbabasehan ang reaksyon ng publiko, persekusyon at hindi prosekusyon ang ginagawa ng gobyerno, partikular ng Department of Justice (DOJ) laban kay Arnolfo “Arnie” Teves, Jr., kinatawan ng ika-3 distrito ng Negros Oriental.

Dismayado ang mga sumusuporta sa mambabatas dahil kahit wala pa itong kaso ay inuunahan na ng pagsisiwalat ng DOJ.

Matatandaan na bago pa mangyari ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ay nagpatawag na si Cong. Teves ng press conference sa Valle Verde Clubhouse sa Pasig City kasama si Atty. Ferdinand Topacio dahil may intel reports umano siyang natatanggap na may magsasagawa ng pagsalakay sa kanyang bahay sa nasabing lalawigan.

Ayon sa impormasyon ni Teves, kung walang makukuhang ebidensiya ay tataniman siya ng mga armas ng mga magsasagawa ng pagsalakay.

Dahil sa mga impormasyon na ito ay nanawagan si Teves kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na tulungan siya.

Positibo ang mga impormasyong nakarating kay Teves dahil matapos ang pamamaslang kay Degamo ay sinalakay ang kanyang mga bahay at sinasabing nakuhanan ito ng maraming armas.

Kalaunan ay pinaratangan na rin si Teves na utak sa pamamaslang kay Degamo at iba pa.

Ito na rin ang naging basehan ng Kamara para alisin siya bilang kinatawan ng ika-3 distrito ng Negros Oriental.

Kalaunan, idineklara na ring terorista si Teves.

Sa isang press conference kamakailan, sinabi ni Justice Sec. Boying Remulla na isinasapinal na nila ang sulat sa United Nations para sa mga arrest warrant na inisyu laban kay Teves.

Sa ngayon, ay patuloy umano ang mahigpit na monitoring nila laban sa dating kongresista kaya naman inalerto na rin ang buong mundo para rito.

Bukod dito, sinabi rin ni Remulla na pinoprotektahan ng ilang local warlords si Teves.

Hinamon naman ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, si Remulla na tukuyin at pangalanan nito ang aniya’y warlords na nagbibigay ng proteksyon sa kongresista.

Ang mga paratang na ito ay patuloy na itinatanggi ni Teves.

216

Related posts

Leave a Comment