MIYEMBRO NG DRUG GROUP, 42 PANG TULAK NADAKMA

CAVITE – Inaresto ng Cavite Police ang 43 hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang miyembro ng Tibatid drug group, at isang kasama nito, sa isinagawang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ni Cavite Police Provincial Police Office (PPO), isinagawa ang buy-bust operation sa pagitan ng alas-3:30 noong Huwebes ng hapon hanggang alas-12:20 ng madaling araw nitong Biyernes sa tatlong lungsod at siyam na bayan sa lalawigan.

Nanguna ang Lungsod ng Bacoor sa may pinakamaraming bilang ng tulak na naaresto sa bilang na walo, sumunod ang bayan ng Tanza, pito; habang tig-lima ang Imus City at Silang; tig-tatlo naman sa General Mariano Alvarez (GMA) at Naic; tig-dalawa ang bayan ng Amadeo, Rosario, Noveleta, Trece Martires City, habang tig-isa ang bayan ng Indang, at Carmona.

Umabot sa 72 sachet na hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga naaresto sa nasabing operasyon.

Samantala, naaresto rin ang isang miyembro ng Tibatid drug group na si Anthony Iglesia y Villanueva, isang high value individual (HVI), at kasama nito na si John Mauro Desaville y Dumalaon, sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Burol Main, Dasmariñas City dakong alas-11:55 ng gabi noong Huwebes.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P102,000, at P8,500 boodle money. (SIGFRED ADSUARA)

13

Related posts

Leave a Comment