NAGDEMANDA NG ADULTERY SA MISIS, ITINUMBA

LAGUNA – Patay ang isang lalaking nagdemanda ng adultery sa kanyang misis, nang pagbabarilin sa loob ng opisina ng kanyang abogado sa Brgy. V-A, San Pablo City noong Huwebes ng umaga.

Napatay rin ng mga pulis ang gunman na hinihinalang gun for hire, habang naaresto ang driver ng motorsiklo na inangkasan nito, habang nagpapagamot sa isang ospital makaraang tamaan din ng bala sa insidente.

Ayon sa report ng San Pablo City Police Office, dakong alas-11: 25 ng umaga, nakaupo sa loob ng Alfredo Lao Belen Notary Office ang biktimang si Joseph Raymond Fang, 43, tubong Mabalacat City, Pampanga at naninirahan sa San Pablo City, nang pumasok ang suspek na kinilala sa pangalang Rodrigo Villena Manalo, at pinaputukan ito ng ilang beses.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo subalit dahil halos 20 metro lamang ang layo ng law office sa himpilan ng pulisya, mabilis na nakaresponde ang mga awtoridad.

Sa hot pursuit operation, nanlaban ang mga suspek ngunit nasapol habang tumatakas hanggang sa mahulog mula sa motorsiklo ang gunman at naiwan.

Isinugod ito ng mga awtoridad sa San Pablo District Hospital subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Nakita naman sa kuha ng CCTV ang driver ng motorsiklo na kinilalang si Christopher Agrade Esteban, 34-anyos, na patungo sa ospital kung saan ito inaresto ng mga awtoridad.

Ayon sa driver, inutusan lamang siya para magmaneho ng motorsiklo.

Samantala, inihayag ni PLt. Col. Wilhelmimo Saldivar Jr., hepe ng San Pablo City Police, posibleng hired killer ang napaslang na suspek.

Napag-alaman na naghihintay ng hearing sa korte ang biktima hinggil sa kasong adultery na isinampa nito sa kanyang misis at pansamantalang nagpahinga sa opisina ng abogado nang ito ay pagbabarilin ng suspek na nagkunwaring kliyente rin ng abogado.

(NILOU DEL CARMEN)

163

Related posts

Leave a Comment