NATUPOK NA CENTRAL POST OFFICE, ITAYO AGAD – SOLON

WALANG dahilan para hindi maibalik sa porma ang nasunog na historical landmark na nagsilbing tahanan ng National Post Office sa Plaza Lawton sa lungsod ng Maynila.

“This historical landmark must rise from the ashes,”giit ni House Deputy Speaker Ralph Recto, ilang oras matapos tupukin ng apoy ang makasaysayang gusali sa pusod ng kabisera.

Sa ilalim aniya ng Republic Act 10066 (National Cultural Heritage Act of 2009), naglalaan ng taunang contingency fund ang Kongreso sa Office of the President. Katunayan aniya, tumataginting na P13-bilyon ang alokasyon sa naturang tanggapan sa Palasyo.

Bukod pa sa contingency fund sa ilalim ng Office of the President, isa pang pwedeng paghugutan ng salaping panustos sa pagpapatayo ng kahalintulad na istruktura sa mismong kinatitirikan ng nasunog na gusali, ang bahagi ng P19.3-bilyong calamity fund na nasa ilalim din ng kontrol ng Pangulo.

“Under RA 10066, or the National Cultural Heritage Act of 2009, ‘national historical landmarks, sites or monuments’ shall be entitled to priority government funding for protection, conservation and restoration,” paliwanag ng kongresista.

Maaari rin naman aniyang hingian ng tulong ang mga negosyante, kapalit ng tax incentives, lalo pa’t wala naman umanong kakayahan ang Philippine Postal Corporation.

“Hindi kaya ng pondo ng Philippine Postal Corporation ang pagbangon. In 2020, net surplus nito ay negative P240 million, lugi pa. Noong 2021, nakapagtala ng positive net surplus na P106 million, kulang pa rin,” ani Recto.

Sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP), dati nang napinsala ang naturang gusali bunsod ng pambobomba ng mga sundalong Hapon sa Maynila noong World War II. Taong 1946 naman nang muling itinayo ang Manila Central Post Office sa tulong ng mga premyadong arkitektong sina Juan Arellano at Tomas Mapua.

Nauna rito, nilamon ng apoy ang Manila Central Post Office sa Liwasang Bonifacio, Magallanes Drive, Intramuros, Manila noong Linggo ng gabi.

Base sa ulat ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region, natupok ang apat na palapag na gusali na nagsimula sa General Services Section sa basement nito.

Bandang alas-11:00 pasado ng gabi nang bigla umanong sumiklab ang sunog na idineklarang general alarm.

Mabilis namang nagresponde ang mga bumbero mula sa buong Metro Manila kabilang ang mga pamatay-sunog mula sa mga karatig lalawigan.

Ayon sa BFP, pito ang iniulat na nasugatang mga bumbero at volunteer habang inaapula ang dambuhalang apoy sa naturang gusali.

Kinumpirma naman ni BFP-NCR chief, Supt. Nahum Tarroza, 100% na nilamon ng apoy ang buong gusali na aniya ay isang heritage building.

Tinatayang umabot sa P300 milyon ang halaga ng napinsala sa nasabing sunog na masusing iniimbestigahan ng Arson Division. ((BERNARD TAGUINOD/RENE CRISOSTOMO)

126

Related posts

Leave a Comment