ONG, DARGANI INILIPAT NA SA PASAY JAIL

NANINDIGAN si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na may hangganan ang pagsisinungaling ng mga resource person sa imbestigasyon ng Senado.

Ito ay kasunod ng paglilipat nila sa Pasay City Jail kina Pharmally Pharmaceutical Corporation executives Linconn Ong at Mohit Dargani mula sa kanilang kustodiya.

Ang dalawa ay sumailalim muna sa medical check up kabilang na ang antigen test para sa COVID-19 bago ibiniyahe sa Pasay City Jail.

Ipinaalala ni Gordon na ang Senado bilang co-equal branch ng pamahalaan ay binigyan ng powers of legislation at oversight ng konstitusyon.

Binigyang-diin ni Gordon na naging matigas ang magkapatid na Mohit at Twinkle kasama na si Ong sa hindi pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng komite.

Bukod anya sa pag-iwas sa mga tanong, paulit-ulit din ang pagsisinungaling ng mga ito kaya’t pinairal na ng komite at ng Senado sa kabuuan ang kanilang kapangyarihan.

Sinabi ni Gordon na tumawid na sa linya o sumagad na ang patuloy na pagsisinungaling at pagtanggi ng mga opisyal ng Pharmally na isumite ang hinihingi nilang mga dokumento.

Iginiit ni Gordon na ang tungkulin nila ay protektahan ang Senado bilang institusyon kaya’t nagdesisyong ilipat sa Pasay City Jail ang dalawa.

Bukod dito, naging dagdag trabaho rin anya sa mga tauhan ng OSAA ang pagdetine sa Senate building sa Pharmally officials gayung dapat ay nakatutok sila sa pagbabantay sa gusali, tiyakin ang seguridad ng mga tao at tiyaking hindi kakalat ang COVID-19 doon. (DANG SAMSON-GARCIA)

2

Related posts

Leave a Comment