OR MINDORO GOV. DOLOR HINAMONG PANINDIGAN PAGPAPATIGIL SA JUETENG

HINAMON ng mga taga Oriental Mindoro ang kanilang gobernador na si Humerlito Dolor na panindigan ang pagpapatigil sa operasyon ng jueteng sa lalawigan.

Sa impormasyong nakalap ng SAKSI Ngayon, ilang araw nang tigil ang operasyon ng jueteng sa Oriental Mindoro matapos mapatay nitong Mayo 31, ang radio broadcaster na si Cris Bunduquin.
Gayunman, duda ng mga impormante ay posibleng pansamantala lang ito habang pinaplantsa umano ng hindi pinangalanang maimpluwensyang politiko ang operasyon ng ilegal na sugal.

Ayon sa mga nagrereklamo laban sa jueteng, kailangan kumilos si Dolor upang mabura sa isipan ng kanyang mga nasasakupan na kabilang siya sa mga nakikinabang sa mga ilegal na sugal sa lalawigan.

Isang residente rin ang nagsabi na dapat paimbestigahan na ni DILG Sec. Benhur Abalos ang operasyon ng jueteng sa kanilang lalawigan upang matukoy at mapanagot ang mga opisyal sa lokal na pamahalaan at pulisya na nakikinabang dito.

Isiniwalat ng impormante ng SAKSI Ngayon na dalawang beses kada araw ang bolahan ng jueteng sa kinaroroonan ng Camp Epifanio Navarro kung saan matatagpuan ang tanggapan ni MIMAROPA Regional Director PBGen Joel Doria.

Dahil dito, nagmimistulang balewala ang direktiba ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr., na “One Strike at No Take Policy” sapagkat wala umanong nasisibak na opisyal mula sa sa Oriental Mindoro na sangkot at nangungunsinti sa ilegal na sugal.

Ayon pa sa impormante, pinakikialaman ng maimpluwensyang politiko ang sistema ng PCSO STL.

Maging ang lehitimong franchise ng STL sa Oriental Mindoro ay pinahinto umano nang walang dahilan para masolo nito ang operasyon ng illegal numbers game gamit ang STL.

Isa sa mga pangunahing layunin ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles ay pataasin ang kita ng korporasyong ito ng gobyerno para makapagbigay ng tulong pinansyal sa maraming ahensya ng gobyerno.

Ang masaklap, ginamit ang STL ng mga ilegalista bilang pantakip sa illegal numbers game na jueteng. (RONALD BULA)

209

Related posts

Leave a Comment