P1.3-M SHABU, NASAMSAM SA DALAGANG TULAK

LUCENA CITY – Arestado isang dalaga matapos masamsam sa kanya ang P1.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa anti-illegal drug operation sa lungsod na ito, noong Martes ng gabi.

Ikinasa ng mga operatiba ng PDEU/PIU-Quezon, PDEA-4A at mga tauhan ng Lucena PNP, ang buy-bust operation dakong alas-10:30 ng gabi sa Pleasantville Subdivision sa Barangay Ilayang Iyam.

Dumating sa lugar ang 31-anyos na suspek na sakay ng isang motorsiklo at agad nakipag-deal sa isang pulis na umaktong buyer.

Matapos ang transaksyon, hindi nakapalag ang suspek nang posasan ito ng mga awtoridad.

Nakuha sa suspek ang 13 sachet ng ilegal na droga na nakalagay sa isang sling bag. May timbang itong 66 gramo at tinatayang may street value na P1,349,052.

Ayon sa pulisya, ang suspek na kinilalang si Jonalyn Sagala, taga Brgy. Marketview, Lucena City, ay nakatala bilang high value individual (HVI) sa PNP drug watch list.

Nakakulong ang suspek sa Lucena City locked-up jail at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 and 11 ng Art. II ng RA 9165 sa Office of the City Prosecutors sa Lucena City.  (NILOU DEL CARMEN)

17

Related posts

Leave a Comment