P1,320 MINIMUM WAGE SA NCR, HIRIT SA KAMARA

MAGIGING P1,320 ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) kapag naipasa ang panukalang inakda ng Makabayan bloc para sa dagdag na sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.

Ito ang paglilinaw ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa press conference ng Makabayan bloc kahapon, kaugnay ng House Bill (HB) 7658 na kanilang inihain noong Miyerkoles.

“Eto pong bill na ito, P750 po on top of the minimum wage na meron (ngayon),” ani Brosas at idinagdag nito na “So ibig sabihin kung sa BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao), P350 (ang daily wage) plus P750.”

“Pag sa Metro Manila ay P570 ang minimum wage plus P750,” dagdag pa nito, kaya kung aaprubahan ay magiging P1,320  ang magiging arawang sahod ng mga manggagawa sa NCR.

Ipinaliwanag ng mambabatas na layon ng P750 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa, na mailapit sa ‘cost of living’ ang mga Filipino sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Sa Metro Manila aniya, P1,161 ang ‘cost of living’ kaya kailangang habulin ito sa sahod ng mga manggagawa upang magkaroon ang mga ito ng disenteng pamumuhay at hindi lamang ang mga negosyante ang nakikinabang sa kanilang pagod.

Noong Miyerkoles ay sinimulan na ng sub-committee ng House Committee on Labor and Employment pa pinamumunuan ni Bukidnon Rep. Jose Maria Zubiri Jr., ang pagtalakay sa iba’t ibang panukala na may kaugnayan sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Napagkasunduan na ang gawing mother bill ang HB 4471 na inakda ni Zubiri para gawing P750 ang minimum wage sa buong bansa dahil pare-pareho lamang umano ang pangangailangan ng mga manggagawa sa lahat ng rehiyon. (BERNARD TAGUINOD)

331

Related posts

Leave a Comment