RIZAL – Mahigit P27 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga operatiba Rizal Drug Enforcement Unit (RDEU) sa isang dating security guard at dalawang kasabwat nito sa bayan ng Angono sa lalawigang ito.
Ayon ulat ni Rizal PNP Provincial Director P/Col. Dominic Baccay kay PRO4A-Regional Director P/BGen. Antonio C. Yarra, kinilala ang umano’y mga bigtime tulak na sina Aries Apeleña y Eburlas alyas “Axel”, residente ng Malabon City, umano’y dating guwardiya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO); Dennis Delo Santos y Morallos, at Mariz Sedaya y Dela Cruz alyas Zyra, pawang nasa hustong gulang at nasa listahan bilang high value individuals (HVIs) at mga miyembro umano ng Reyes drug group na nakabase sa Binangonan, Rizal.
Napag-alaman, dakong alas-3:20 ng madaling noong Mayo 5 nang masakote ang mga suspek sa Brgy. Mahabang Parang, Angono, Rizal.
Nakumpiska ng magkasanib na puwersa ng Rizal Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Unit (RDEU-PIU) sa pamumuno ni P/Lt. Daniel Solano, sa ilalim ni P/Maj. Joel Custodio, chief, Provincial Intelligence Unit, mula sa mga suspek ang 4 kilo at 5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P27, 234,000, drug paraphernalia at buy-bust money.
Nakapiit na ang mga suspek sa Angono PNP detention cell at kinasuhan ng paglabag sa Sec. 5 at 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), habang dinala naman sa Rizal Provincial Forensic Unit ang nakumpiskang mga ebidensya. (ENOCK ECHAGUE)
