P7.6-M SHABU NAKUMPISKA SA NEGOSYANTE SA QUEZON

QUEZON – Tinatayang P7.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa anti-illegal drugs operation sa Lucena City nitong Lunes ng madaling araw.

Naaresto rin ang isang negosyanteng buy and sell agent ng mga motorsiklo na siyang target ng operasyon.

Ayon sa report ng Quezon Police Provincial Office, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng PDEU-Quezon, PIU-Quezon, PDEA 4A-Quezon at Lucena SDEU, ang buy-bust operation sa isang bakanteng lote sa loob ng Immaculada Subd., Purok Narra, Barangay Isabang, Lucena City malapit sa bahay ng suspek.

Sa pamamagitan ng isang pulis mula sa PDEU na umaktong civilian buyer, nasakote ang suspek na si Andrian Sebuc Saludez alias “Ian”, 34-anyos, matapos kumagat sa ikinasang operasyon.

Nakumpiska sa suspek ang 3 heat-sealed transparent plastic bag at 7 plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang shabu na may timbang na 375 grams at tinatayang may DDV value na P2,550,000 at street value na  P7,650,000.

Ayon kay P/Col. Ledon Monte, provincial director ng Quezon PNP, ang suspek ay nakatala bilang high value individual (HVI) sa Quezon drug watchlist at itinuturong pangunahing drug personality na nag-o-operate sa Lucena City at mga karatig bayan.

Nakakulong na ang suspek sa custodial facility ng Lucena City Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 and 11 ng Art. II of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (NILOU DEL CARMEN)

140

Related posts

Leave a Comment