P9.9-M NATANGAY SA ABOGADO, BEBOT NABITAG SA SEXTORTION

NALAGLAG sa ikinasang bitag ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang isang babae matapos umano nitong kikilan ng mahigit P9.9 milyon ang isang practicing lawyer na nakilala niya sa social media, makaraan silang magtalik.

Kinilala ang suspek na si Marielle Cruz Padel, alias “Lyka Cruz Padel”,  nahaharap sa kasong estafa, falsification at robbery extortion.

Ayon sa ulat, nagkakilala ang suspek at ang abogado sa pamamagitan ng social media at nagkasundo silang magtalik.

Makalipas ang ilang araw, humingi ng pera ang suspek dahil umano’y nabuntis umano siya at pumayag naman ang biktima

Pagkaraan ay nakatanggap naman ng text message ang biktima mula sa isang “Lyka” na nagpakilalang kambal niya si Marielle at namatay umano ito matapos ang pagpapalaglag at sinisi ang abogado sa pagkamatay nito.

Humingi umano ng pera si Lyka sa abogado at nagbantang sisirain niya ang reputasyon nito at pamilya kung hindi magbibigay ng pera.

Bunsod nito, nakapagbigay ang biktima ng umabot sa P9.9 million sa magkakahiwalay na beses.

Ngunit nabuking ng abogado na si Marielle at Lyka ay iisa lamang dahilan upang magsampa siya ng reklamo sa NBI-NCR.

Noong April 26, 2023, muling humingi ng pera si Lyka sa halagang P61,000 bilang kabayaran sa doctor na nagsagawa umano ng abortion kay Marielle.

Nagkasundo ang dalawa na magkikita sa isang mall sa Quezon City kung saan isinagawa ng entrapment operation.

Sa aktong natanggap ni Lyka ang pera mula sa abogado, inaresto ang suspek ng mga ahente ng NBI.

Inamin ni Lyka na siya rin si Marielle Cruz Padel, na nahaharap sa kasong paglabag sa robbery (extortion) sa ilalim ng Article 293 at 294 ng Revised Penal Code, as amended, in relation to Cybercrime Prevention Act of 2012. (RENE CRISOSTOMO)

249

Related posts

Leave a Comment