SHOOT sa kulungan ang dalawang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang miyembro ng Pajarito criminal group, matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng ilegal na droga sa magkahiwalay na anti-illegal drug operation ng pulisya sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan Police, chief Samuel Mina Jr., nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant, na nagbebenta umano ng ilegal na droga si Joseph Rivas, 28, na naging dahilan upang isailalim ito sa isang linggong validation.
Nang magpositibo ang impormasyon, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Gilmer Marinas, kasama ang Sub-Station 5 at 6th MFC RMFB-NCRPO, ang buy-bust operation sa bahay ng suspek sa Brgy. 150, Caloocan City dakong alas-10:30 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto kay Rivas.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 1,750 grams ng hinihinalang marijuana na may standard drug price na P210,000, at 60 grams ng kush o high grade marijuana na P120,000 ang halaga, at ang buy-bust money.
Dakong alas-12:30 naman ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Caloocan Police Intelligence Section ng operasyon sa Phase 1, Pkg. 3, Brgy. 176, Bagong Silang kontra sa Pajarito criminal group na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang miyembro nito na kinilalang si Jerico Gose alyas “Intsik”.
Nakumpiska mula kay Gose ang isang medium plastic sachet na naglalaman ng 5.6 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P38,080. (FRANCIS SORIANO)
86