PASSENGER VAN SUMALPOK SA UTILITY VAN, 17 SUGATAN

LUCENA CITY – Umabot sa 17 ang sugatan matapos na sumalpok ang isang pampasaherong van sa likuran ng sinusundang utility closed van sa Maharlika Diversion Highway sa Brgy. Bocohan sa lungsod na ito, noong Martes ng umaga.

Ayon sa Lucena City Police, galing sa bakasyon sa Cataingan, Masbate ang mga sakay ng van at pauwi na sa Metro Manila nang mangyari ang aksidente dakong alas -6:30 ng umaga.

Batay sa report ng Lucena PNP, magkasunod na tumatakbo ang dalawang sasakyan patungo sa direksyon ng Maynila nang mawalan ng preno ang pampasaherong van.

Bumangga ito sa likod ng closed van na dahil sa lakas ng impact at sa madulas na kalsada dulot ng mga pag-ulan ay tumilapon ito sa kanal sa gilid ng highway. Wasak naman ang unahan ng pampasaherong van.

Sugatan ang lahat ng sakay ng dalawang van kabilang ang driver at dalawang pasahero ng closed van.

Pito sa mga ito ang dinala ng mga tauhan ng Tayabas CDRRMO sa ospital sa Lucena City samantalang minor injuries lamang ang dinanas ng 10 pang biktima na tumanggi nang magpa-ospital. (NILOU DEL CARMEN)

33

Related posts

Leave a Comment