ARESTADO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong indibidwal sa ikinasang entrapment operations dahil sa illegal medical practice.
Base sa ulat ng NBI-Western Visayas Regional Office (NBI- WEVRO), kinilala ang mga arestado na sina “Ivonne”, “Roselyn”, at “Michelle”, pawang nahaharap sa kasong estafa, paglabag sa Cybercrime Crime Act at Medical Act of 1959.
Nag-ugat ang pagdakip sa mga suspek sa reklamo ng isang complainant hinggil sa maling non-surgical procedure para sa beauty treatment na ginawa ng umano’y cosmetic surgeons/aesthetic practitioners ng Angel’s Pretty Aesthetic Beauty Lounge sa Molo, Iloilo City.
Ayon sa sumbong, sa halip na pagandahin ang hitsura ng kanilang mga pasyente na sumailalim sa facial rejuvenation and contouring, dumanas ang mga ito ng acute bacterial skin and soft tissue infections kasunod ng procedure.
Sa beripikasyon sa Professional Regulatory Board (PRC) at Food and Drugs Administration (FDA), nabatid na ang nasabing beauty establishment ay nagsasagawa ng medical practice nang walang lisensya
Kaya naman inilunsad ang entrapment operation at nagpanggap na poseur-patient ang isang awtoridad na sasailalim sa nose lift procedure sa halagang P10,000.
Habang tinatanggap ang bayad ng isa sa mga suspek, agad itong inaresto ng NBI-WEVRO, kasama ang dalawa pang clinic staff.
(RENE CRISOSTOMO)
205