PEDICAB SINALPOK NG VAN, DRIVER PATAY

TUMILAPON ng may ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng insidente ang isang sidecar boy at agad nalagutan ng hininga nang matumbok ng isang Toyota Hi-Ace van sa panulukan ng Andres Bonifacio Drive at 20th Street, Port Area, Manila.

Namatay noon din ang biktimang si Victorio Fernandez y Bonghanoy, nasa hustong gulang, ng Barangay 650, Port Area, Manila

Samantala, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang suspek na si Richard Israel y Abude, Looban Daang Amaya II, Tanza, Cavite.

Batay sa ulat ni Police Major Jaime Gonzales, chief investigator ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang alas-9:15 ng umaga noong Lunes nang mabundol ang tagiliran ng pedicab ng van na minamaneho ni Israel na galing sa southbound lane ng Bonifacio Drive.

Minamaneho ng biktima ang kanyang pedicab ngunit pagtawid nito mula sa west patungo sa east sa Bonifacio Drive patungong 20th Street nang mabundol ito ng van. Dahil sa lakas ng impact, tumilapon palabas ng sasakyan si Fernandez na agad nitong ikinamatay.

Kusang-loob na sumuko si Israel makaraan ang insidente.

Makaraang maidokumento ang insidente, agad isinalang ni Police Corporal John Ceasar Ancheta ang suspek sa inquest proceeding sa Manila Prosecutor’s Office.  (RENE CRISOSTOMO)

41

Related posts

Leave a Comment