PINAS SUPORTADO NG US SA LASER-POINTING NG CCG

SUPORTADO ng Estados Unidos ang posisyon ng Pilipinas sa panibagong insidente ng pangha-harass ng China sa West Philippine Sea nang gamitan nila ng military grade laser ang isang barko ng Philippine Coast Guard.

“The United States stands with our Philippine allies in the face of the People’s Republic of China (PRC) Coast Guard’s reported use of laser devices against the crew of a Philippine Coast Guard ship on February 6 in the South China Sea. The PRC’s conduct was provocative and unsafe, resulting in the temporary blindness of the crew members of the BRP Malapascua and interfering with the Philippines’ lawful operations in and around Second Thomas Shoal,” bahagi ng statement na inilabas ni State Department Spokesperson Ned Price.

Sinabi ni Price, ang ginawa ng China ay direktang pagbabanta sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon na labag sa freedom of navigation sa West Philippine Sea lalo pa na walang legal claims ang China sa Ayungin Shoal.

Nanawagan din ito na dapat sumunod ang China sa 2016 arbitral ruling.

Dagdag pa ni Price, handa ang Estados Unidos na tumugon sa US-Philippines Mutual Defense Treaty oras na magkaroon ng armadong pag-atake laban sa Pilipinas.

Sa halip namang magpakumbaba ay isinisi pa ng China sa Pilipinas kung bakit nila tinutukan ng military-grade laser light ang BRP Malapascua ng PCG malapit sa katubigan ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Ito ang naging tugon ng Chinese Foreign Ministry sa pagpalag ng mga Pilipino sa nasabing insidente.

Ayon kay Chinese Ministry of Foreign Affairs Spokesperson Wang Wenbin, ang Pilipinas ang unang nanghimasok sa teritoryo ng China.

Bahagi aniya kasi ng kanilang teritoryo sa Spratlys Island ang Second Thomas Shoal kung saan naroroon ang Philippine Coast Guard nang mangyari ang naturang insidente. (JESSE KABEL RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment