PINOY LUGI SA PPP NI MARCOS

PABOR lang sa malalaking negosyante at kapitalista ang Public-Private Partnership (PPP) at lalong ginarantiya ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa bagong batas na pinirmahan nito.

Ganito inilarawan ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang Republic Act (RA) 11966 o PPP Code Law na naglalayon umanong makahabol ang bansa sa infrastructure projects sa mga bansa sa Southeast Asian Nation (ASEAN).

“Sobrang naabuso na ang konsepto ng public-private partnership sa ngayon. Sa totoong buhay kadalasan ang nangyayari ay hindi naman partnership. Lugi ang publiko habang sobrang gumaganansya ang iilang malalaking korporasyon mula sa mga bagay na dapat ay tinuturing na serbisyo at gobyerno,” ani Manuel.

Sa ilalim ng PPP, pinapayagan ng gobyerno ang pribadong sektor na magtayo ng mga imprastraktura na pamamahalaan nila ng ilang dekada bago ilipat sa gobyerno.

Dahil dito, lalong tumataas ang bayarin ng publiko sa paggamit ng mga imprastrakturang ito gayung ang gobyerno ang dapat umanong gumawa ng mga ito upang masiguro na lahat ng tao ay makinabang lalo na kung ang mga ito ay may kinalaman sa serbisyo publiko.

“Sa PPP code na ito na magiging batas na, gobyerno pa, in the name of the people, ang magtitiyak ng super tubo ng mga malalaking korporasyon. So saan tayo nakakita na ang gobyerno ang dapat ay maging kinatawan ng publiko ay siya pa ngayon ang nagpoprotekta sa interes (ng malalaking korporasyon),” ayon pa kay Manuel.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil kabilang sa mga probisyon ng nasabing batas ay nagbabawal sa mga local court, maliban sa Korte Suprema na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) sa mga infrastructure projects ng gobyerno upang hindi ito madelay.

Agad namang ipinagtanggol ni Bulacan Rep. Salvador Pleyto Sr., ang probisyon dahil maraming proyekto aniya ang nadedelay o kaya hindi na natutuloy dahil sa mga TRO ng mga local court.

“This is very important because projects can no longer be stalled,” ani Pleyto subalit maaari naman aniyang maglabas ng TRO ang Korte Suprema kung may mga dahilan para harangin ang proyekto.

Ayon sa mambabatas, maraming namumuhunan ang nasisiraan ng loob dahil walang pakundangang hinaharang ng mga local court ang kanilang mga itinatayong proyekto kaya napag-iiwanan aniya ang Pilipinas pagdating sa imprastraktura.

(BERNARD TAGUINOD)

161

Related posts

Leave a Comment