POLICE INFORMANT NA DRIVER/BODYGUARD NG 4 DINUKOT NA CHINESE, SUMUKO KAY REP. TULFO

SUMUKO sa tanggapan ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang driver/bodyguard ng apat na Chinese national na dinukot at pinagnakawan umano ng mga pulis sa Southern Police District sa Parañaque noong Setyembre ng nakaraang taon.

Si Michael Novecio, driver at bodyguard ng apat na Chinese national, ay aminadong kasabwat at informant ng mga pulis sa naturang krimen.

Ani Novecio, dahil sa takot, nagpatulong siya kay Tulfo para sumuko kay House committee on public order and safety chair at Sta. Rosa, Laguna Cong. Dan Fernandez, na kasalukuyang dumidinig sa naturang kaso sa Kongreso.

Nitong Huwebes ng tanghali agad ding itinurn-over ni Rep. Tulfo kay Cong. Fernandez ang suspek.

“Napanood niya ang hearing natin nung isang araw, kaya raw siya sumuko sa aming tanggapan,” ani Tulfo kay Cong. Fernandez.

“Hindi na raw niya alam kung sino ang kalaban niya. May humahabol daw sa kanya na mga grupo ng mga Chinese at hinahabol din siya ng mga grupo ng pulis,” dagdag pa ni Tulfo.

Nito lamang Enero 30, nagpalabas si Cong. Fernandez ng warrant of arrest laban kay Novecio dahil sa patuloy nitong pagtangging sumipot sa kanilang mga pagdinig ukol sa ilegal na pag-aresto, pagdukot at pagnanakaw sa apat na Chinese nationals na kinasasangkutan ng mga pulis na nakatalaga sa SPD-Detective and Special Operations Unit (DSOU).

“Ang reason kaya inilabas namin ang picture niya kasi siya yung pinaka-kasama ng mga Chinese nationals. Siya ang nakakaalam kung anong pera meron dun at kung ano ang mga negosyo (ng mga Chinese nationals),” ani Fernandez sa panayam ng media.

Agad namang ipinag-utos ni Fernandez kay House Secretary General Reginald Velasco na bigyan ng proteksyon ang sumukong suspek kasabay ng pagpapasalamat dito sa pagtitiwala sa Kongreso.

“Siguro ang gagawin natin i-secure muna natin ito. Thank you for surrendering to us and for trusting us Congress under the leadership of Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Rest assured na poprotektahan ka namin dito,” giit ni Fernandez.

Ayon kina Tulfo at Fernandez, dahil sa pagsuko ni Novecio, siguradong mapapadali at mabibigyang linaw ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa Kongreso.

150

Related posts

Leave a Comment