NADAGDAGAN pa ang bilang ng mga pulis na inilipat ng pwesto dahil sa pagkakaroon ng mga kamag-anak na kandidato, sampung araw bago ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Oktubre 30.
Sa datos ng Philippine National Police, mula sa 2,800 umakyat pa ito ngayon sa 2,956.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) PIO Chief PCol. Jean Fajardo, binase nila ang kanilang talaan sa isinagawang survey sa kanilang mga tauhan at dito lumabas ang pangalan ng 2,956 na mga pulis na may mga kaanak na tumatakbo sa BSKE.
Paliwanag ni Fajardo, layunin nito na maiwasang mapulitika ang kanilang mga tauhan at maka-impluwensya sila sa resulta ng halalan.
Nabatid na saklaw ang isang tauhan ng PNP ng isinasagawang temporary re-assignment kung siya ay may tumatakbong kamag-anak base sa kanilang blood relation na umaabot hanggang sa pinsang buo.
Paliwanag ni Fajardo, may basbas ng Comelec ang ginawa nilang paglilipat ng pwesto ng mga pulis.
(JESSE KABEL RUIZ)
295