TINATAYANG P42 milyong halaga ng smuggled cigarettes ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa magkakahiway na police operations na nagresulta sa pagkakadakip sa sampung katao.
Ayon sa report na ibinahagi ni CIDG Director, Maj. Gen. Nicolas Torre III, apat na law enforcement operations ang kanilang inilunsad matapos na magpositibo ang kanilang nakalap na intelligence information kaugnay sa kanilang anti-smuggling operation at pagsugpo sa mga pekeng produkto.
Nasa humigit-kumulang P5.4 milyong halaga ng sigarilyong may tatak na RGD at Yan ang nakumpiska sa Barangay Bangkal sa bayan ng Dinalupihan matapos na masabat ang isang trak na may kargang 160 master cases ng sigarilyo.
Kinabukasan, sinalakay ng mga operatiba ng CIDG, kasama ang mga kinatawan ng Philip Morris International Inc., ang isang bodega sa lungsod ng Maynila na pinag-iimbakan ng mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P15.2 milyong piso.
Sa parehong araw, may kabuuang 478 master cases ng peke at smuggled cigarette products ang nasamsam sa Digos City, Davao del Sur.
Ayon kay Gen. Torre, anim katao ang inaresto habang dalawang van ang nakumpiska sa operasyon.
Samantala, nasa P2.1 milyong halaga ng smuggled na sigarilyong Walton na lulan ng nasabat na 10-wheeler truck, ang nakumpiska sa Barangay Malandag, Malungon, Sarangani Province at tatlong sakay nito ang dinakip sa operasyon.
(JESSE KABEL RUIZ)
