SINABAYAN ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Senado sa pag-isyu ng subpoena laban kay Pastor Apollo Quiboloy upang obligahin itong dumalo sa pagdinig hinggil sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na ginagamit ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Kinumpirma ni Senador Risa Hontiveros na nilagdaan na ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri ang subpoena laban sa lider ng Kingdom of Jesus Christ.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, sinabi ni Hontiveros na nagpapasalamat siya kay Zubiri sa pagtugon sa kahilingang pirmahan na ang subpoena.
Ikinatuwa ni Hontiveros na sa kabila ng mga ingay at krisis pampulitika ay binigyang pansin ng liderato ng Senado ang pagpapalabas ng subpoena laban kay Quiboloy.
Iprinisinta naman ni Hontiveros ang video ng isa pa umanong Ukrainian victim ni Quiboloy na kinilalang si Ayona.
Tulad ng mga testimonya ng iba pang babaeng biktima, inilahad din ni Ayona ang mga pang-aabuso sa kanya ni Quiboloy noong siya ay nasa KOJC pa.
Humarap din si alyas David na nagpakilalang apo ni Quiboloy na nakaranas ng matinding pananakit na pisikal dahil sa alegasyon na mayroon siyang karelasyon na taga-RPN 9.
Kabilang sa parusang iginawad kay David ang paglalagay ng sili sa kanyang mata, bibig at ari.
Pinangalanan din ni David ang mga umano’y nang-torture sa kanila alinsunod sa utos ni Quiboloy na sina Neneng Lizada, administrator ng kanilang building sa Novaliches; Marlon Rosete, head ng logistics department; Gio Ayang, personal driver at bodyguard ni Quiboloy; Benji Gantadao, coordinator at minister; isang Crisanto, head ng security; at security guards na sina Percival Caparos at Rene.
Idinagdag pa ni David na natakot silang hindi tumugon sa atas sa kanila dahil sa pananakot na hahabulin sila ng Angel of Death at natuklasan nilang tatlo na sa kanilang mga kasama ang namatay na pare-parehong may tama sa ulo.
Sinegundahan naman ito ng isa pang testigo na si alyas Jackson na nagkumpirma rin na sa tindi ng doktrina sa kanila noong una ay todo ang pagsunod nila sa mga utos ng kinikilala nilang anak ng Diyos.
Inilahad naman ni alyas Rene kung paano siya naging researcher ng SMNI sa umaga at pulubi naman sa gabi dahil inatasan siyang mamalimos at kinotahan ng P1.5 million sa loob ng apat na buwan.
Inihayag din ni Rene na nang magpaalam siyang lalabas na ay hindi siya pinayagan at nakaranas ng pananakit bukod pa sa sekswal na pang-aabuso sa kanya na sinasabing may basbas ni Quiboloy.
Sa Kamara, pinirmahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang subpoena kasama sina Parañaque Rep. Gus Tambunting, chairman ng House committee on legislative franchises at House Secretary General Reginald Velasco.
“You are hereby directed to appear before the Committee on Legislative Franchises of the House of Representatives, to testify under oath relative to the subject matter above-stated, on 12 March 2024, 1:00 PM,” bahagi ng subpoena.
Noong nakaraang linggo ay nagmosyon si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na isyuhan ng subpoena si Quiboloy dahil sa patuloy nitong pagtanggi na humarap sa imbestigasyon ng komite hinggil sa reklamo laban sa SMNI na nagpapakalat umano ng fake news at nangre-red tag sa pamamagitan ng kanilang anchors.
Bukod dito, dinidinig din ng komite ang panukalang batas na bawiin ang prangkisa ng Swara Sug na ginagamit ng SMNI dahil sa paglabag umano sa iba’t ibang batas.
Ayon kay Pimentel, kapag hindi dumalo si Quiboloy sa susunod na pagdinig ng komite sa kabila ng subpoena ay mahaharap ito sa contempt at ang kasunod ay warrant of arrest na.
(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
174