Reresponde sa loob ng 15 minuto 14K BAGONG PULIS SA 2023

KUKUHA ng karagdagang puwersa na aabot sa mahigit 14,000 pulis ang Philippine National Police (PNP) sa susunod na taon upang marespondohan umano ang distress call sa loob lamang ng 15 minuto.

“Siyam sa bawat sampung krimen ang lulutasin. ‘Yan ang promissory note ng PNP. Nangako rin sila na kapag nag-S.O.S. ka sa pulis, wala pang kinse minutos, nandyan na sila,” ani Deputy Speaker Ralph Recto kaya hindi tinutulan sa Kamara ang planong ito ng PNP.

Gayunpaman, umaasa ang mambabatas na tutuparin ng PNP ang kanilang pangako na marespondehan agad ang krimen at masugpo ang mga krimen na nagawa at gagawin pa lamang ng mga kriminal.

Kapag nagtagumpay ang PNP na madagdagan ng 14,208 ang kanilang puwersa sa susunod na taon na popondohan ng P5.18 billion, aabot na sa 227,410 ang bilang ng mga pulis sa buong bansa.

Sa nabanggit na bilang, 1,000 umano ang bagong posisyon habang ang natitirang 13,208 ay ookupa sa bakanteng posisyon dahil sa mga nagretiro at inalis sa puwesto.

Iginiit ng mambabatas, kailangang tuparin ng PNP ang kanilang pangako dahil bagama’t bumaba aniya sa 37,842 ang index crime noong 2021 mula sa 43,912 noong 2020, ay nagkaroon pa rin aniya ng 22 rapes cases, 14 robbery cases, 14 murder victims kada araw noong nakaraang taon.

“Ito lang ang reported. Kasi halimbawa doon sa theft, 32 cases a day sa buong Pilipinas lang ang reported. Marami doon sa mga nahablutan ng bag o cellphone, nanakawan ng bike o manok, hindi na siguro isinumbong sa pulis,” ayon kay Recto.

Dahil dito, iminungkahi ng mambabatas sa PNP na palabasin sa lansangan ang mga police officer na nasa opisina at gumagawa ng administrative work, at i-deploy ang mga ito sa mga komunidad upang matupad ang kanilang pangakong marerespondehan ang distress call sa loob lamang ng 15 minuto. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment