KATAKAWAN sa laman ang naging hudyat sa mahabang panahon ng pagtatago ng isang banyagang wanted sa patong-patong na kasong rape.
Kinilala ang suspek na si Abdulrahman Alderaan, isang Arabong nagpakilalang retiradong empleyado ng gobyerno sa bansang Saudi Arabia.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 33 ang Arabong target ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng pulisya.
Sa ipinamalas na dulas ng suspek sa batas, kinailangan pa magpanggap na saleslady sa hindi tinukoy na department store ang isang babaeng pulis para masilo ang target ng warrant.
Kwento ng undercover agent, kinaibigan di umano siya ng suspek na paulit-ulit na nag-iimbita para makipagkita.
Pagdating sa pinag-usapang lugar sa Ermita, nagpakita ng pagiging agresibo ang Arabong pilit di umano siyang isinasama sa motel – hudyat para agad na dakpin ng iba pang operatiba sa pangunguna nina Police Major Edwin Fuggan at PCMS Arnel Santos ng MPD-PS 6 warrant section ang suspek na agad na binasahan ng mandamiento de arresto.
Kasalukuyang nakapiit sa MPD Sta. Ana Police Station and suspek. (RENE CRISOSTOMO)
