QUEZON – Dalawa ang patay kabilang ang isang menor de edad, sa magkahiwalay na aksidente na kinasangkutan ng dalawang motorsiklo sa mga bayan ng Tagkawayan at San Narciso sa lalawigan noong Lunes.
Sa Tagkawayan, patay ang isang hindi pa kilalang rider matapos mabundol at makaladkad ng Raymond passenger bus sa Quirino Highway sa Barangay Rizal mag-aalas-6:00 ng gabi.
Ayon sa report ng pulisya, nasa unahan ng bus ang motorsiklo nang mula sa shoulder ay bigla na lamang itong gumitna para lumiko pakaliwa sa highway.
Hindi ito iwasan ng paparating na bus kaya nabundol at pumailalim sa sasakyan ang rider at nakaladkad.
Ikinustodiya naman ng Tagkawayan Police ang driver ng bus na si Jouie Arcos Tagum.
Sa bayan ng San Narciso, patay ang 15-anyos na estudyanteng kinilala sa pangalang Mike matapos na ang inangkasan nitong motorsiklo na minamaneho ng isa ring menor de edad, ay bumaliktad sa kalsada sa Buenavista – San Narciso national road, Brgy. Maguiting, dakong alas-3:30 ng hapon.
Nawalan umano ng kontrol ang nagmamaneho sa motorsiklo habang sila ay patungo sa town proper ng San Narciso.
(NILOU DEL CARMEN)
188