Sa ilalim ng komite ni Cong. Fidel Nograles MOVIE & TV WORKERS PROTECTION BILL ABOT-KAMAY NA

IKINATUWA ni Rizal 4th District Congressman Fidel Nograles ang pagkakapasa kamakailan ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ng iba’t ibang bills na nagsusulong ng kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.

    “Nagagalak tayo na naipasa na ang mga panukalang batas na dininig ng ating komite na layuning isulong ang kapakanan ng manggagawang Pilipino,” pahayag ni Nograles, chairman ng House Committee on Labor and Employment.

    Ang House Bill (HB) No. 1270 o ang Eddie Garcia Act, ay magbibigay ng mahusay na proteksyon para sa mga manggagawa ng movie and television industry sa pamamagitan ng pag-uutos sa employers na magbigay sa mga manggagawa o contractors, ng kopya ng kontrata na nakalagay ang “number of work hours, job position and description, period of employment, details of compensation and other conditions that will affect the person’s work”.

    Nakalagay rin sa nasabing bill na ang employer ay kailangang sumunod sa lahat ng batas na may kaugnayan sa “workers’ occupational safety and health standards”, at pagbibigay sa lahat ng mga manggagawa ng mga benepisyo na ipinag-uutos ng gobyerno.

Nakasaad din sa panukala na ang mga manggagawa ay may karapatan sa overtime pay kung sila ay nagtatrabaho nang lagpas sa walong oras, na may maximum extension ng hanggang 12 oras.

Ipinagbabawal naman sa mga manggagawa na magtrabaho nang mahigit sa 60-oras sa loob ng isang linggo at ang kanilang “travel time to-and-from work” ay kinokonsidera bilang parte ng kanilang working hours.

Samantala, ang House Bill No. 6718 o ang Freelance Workers Protection Act ay nakitang pakikinabangan ng 1.5 milyong freelance workers ng bansa.

Ang HB No. 6718 ay tumutukoy sa freelance worker sa sinomang tao o nilalang, na binubuo ng isa o higit pa, kung incorporated ay nasa sa ilalim ng Securities and Exchange Commission, registered bilang isang sole proprietorship sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) o registered bilang self-employed sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Nakasaad din sa panukala na ang hiring party at freelance workers ay papasok sa isang written contract na malinaw na tinukoy ang gawain ng mga manggagawa, panahon ng pagkumpleto, bayaran, at iskedyul ng pagbabayad.

Ipinagbabawal ang anomang paglihis o pagbabago ng mga tuntunin sa kontrata, tulad ng pagbabawas sa mga bayarin o pinalawak na saklaw ng trabaho, maliban kung napagkasunduan at nilagdaan sa isang nirebisang kontrata ng magkabilang panig.

Bukod dito, ipinagbabawal din ang pakikipag-ugnayan sa freelance worker na walang kontrata o pagkabalam sa pagbabayad na lalagpas ng 15 araw mula sa petsa na nakalagay sa kontrata.

Ang mga agrabyadong partido ng mga ganitong paglabag ay maaaring magsampa ng reklamo sa Department of Labor and Employment sa pamamagitan ng Undersecretary for Workers with Special Concerns, at maaaring sampahan ng civil case ang mga lumabag.

Ang mapatutunayang nagkasala ay pagmumultahin ng halagang mula P50,000 hanggang P500,000.

Ang HB No. 6683 o ang Enterprise Productivity Act, ay epektibong nagpapawalang bisa sa Republic Act No. 6971 o ang Productivity Incentives Act of 1990, na nangangailangan ng pagtatag ng isang productivity incentive program para sa mga manggagawa ng enterprises na may 10 o mahigit pang mga manggagawa.

Ito rin ay nagtatag ng isang “system of tax incentives for enterprises, small or large, that will successfully establish and implement a productivity incentives program for their employees”.

 “Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay maipasa na rin ang mga counterpart measure ng tatlong panukalang ito sa Senado, at mapirmahan ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr., para agaran nating ma-implementa ang mga kinakailangang pagbabago na dala ng mga ito,” dagdag pa ni Nograles.

“Asahan po ninyo na patuloy na kikilos ang House Committee on Labor para sa mga batas na makatutulong at poprotekta sa mga manggagawang Pinoy,” banggit pa ng mambabatas. (JOEL O. AMONGO)

210

Related posts

Leave a Comment