MAGHAHAIN ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para imbestigahan ang patuloy na paggamit ng puwersa ng Quezon City Police Station 6 para sikilin ang karapatan ng mga tao na mag-rally sa Batasan Complex.
Ito ang kinumpirma ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas dahil muling gumamit umano ng puwersa ang mga tauhan ni Police Lt. Col Jerry Castillo laban sa mga raliyista na sumugod sa Batasan Pambansa Complex para igiit na ipasa ang dagdag na sahod sa lahat ng mga manggagawa sa bansa noong Miyerkoles.
“Namumuro na ang mga ito. Sobra na,” ani Brosas dahil taliwas umano ang ginagawa ng mga pulis sa ipinangangalandakan ng Kamara na ang kapulungan ay “house of the people”.
Noong Miyerkoles, hinarang ng mga pulis ang mga raliyista at sapilitang itinulak ang mga ito sa Commonwealth Avenue at kaya napilitan umano ang mga manggagawa na umatras ay dahil ang mga babaeng pulis ang iniharap sa mga raliyista.
Karagdagang kasalanan umano ito ni Castillo dahil kamakailan lamang ay brutal na pinagpapalo ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na nagsagawa ng kilos-protesta para tutulan ang pag-amyenda sa charter ng kanilang eskwelahan.
Bago ito, brutal din umanong binuwag ng mga pulis ang kilos-protesta ng mga jeepney driver na nag-rally sa harap ng Batasan Complex para ipanawagan sa mga mambabatas na iligtas ang kanilang kabuhayan.
Dahil dito, nais ni Brosas na magkaroon ng imbestigasyon at ipatawag si Castillo dahil sinisikil umano nito ang karapatan ng mga Filipino sa pagpapahayag.
Ayon naman kay ACT Party-list Rep. France Castro, tanging ang mga ordinaryong pulis na nanakit sa mga estudyante ng PUP ang sinuspinde subalit hindi kasama si Castillo.
“Kaya mananatili ang karahasang ito (sa Batasan Pambansa Complex). Hindi dapat nangyayari ito sa House of the People. Ang trabaho ng pulis ay peace and order pero hindi dapat sikilin ang karapatan ng mamamayan sa pagpapahayag,” ani Castro.
(BERNARD TAGUINOD)
162