Sa nagpapatuloy na sama ng panahon 3 LALAWIGAN SAPUL NG BAHA, LANDSLIDE

HINDI bababa sa 1,000 pamilya mula sa ilang lokalidad ng tatlong lalawigan ang apektado sa matinding buhos ng ulan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kasabay ng babala ng mas malawak pang pagbaha at posibilidad ng mga pagguho ng lupa kung magpapatuloy pa ang sama ng panahon.

Sa mga ulat na nakalap ng NDRRMC, nasa 1,000 pamilya ang apektado sa flashfloods at landslides na naitala sa Banaue (Ifugao Province), Mati City (Davao Oriental) at Cebu City bunsod ng mabigat na buhos na ulan dulot ng Habagat.

Sa Banawe kung saan abot sa 500 pamilya ang apektado, may mga paunang ulat ng mga nasaktan sa naganap na landslides. Wala pa naman anilang naitalang namatay dahil sa mga kaganapang konektado sa masamang panahon.

Sa Mati City, may 50 pamilya ang inilikas dahil sa mga pagbaha sa mga barangay Central at Mayo. Lubog din sa baha ang malaking bahagi ng Cebu City, ayon sa NDRRMC.

Hindi pa man ganap na nakaalpas ang Habagat, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA), dalawang bagyo pa ang inaasahang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa mga susunod na araw.

Partikular na tinukoy ni PAGASA Administrator Usec. Vicente Malano ang bagyong Caloy at Domeng na aniya’y namataan at bumabaybay patungong norte sa West Philippine Sea.

Samantala, magpapatuloy pa rin aniya ang nararanasang mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng La Niña.

Binabantayan rin umano ng naturang ahensya ang namumuong sama ng panahon sa 950 kilometro sa silangan ng Davao.

 Ayon pa sa PAGASA, malaki ang posibilidad na maging isang bagyo ang namataang sama ng panahong tatawagin aniyang bagyong Ester.

Samantala, makararanas naman ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa loob ng 24 oras ang mga rehiyon ng MIMAROPA, Bicol, Calabarzon, Metro Manila, Central Luzon, at mga probinsya ng Cagayan at Isabela.

Paalala ng NDRRMC sa mga residenteng nakatira sa mga mababang lugar, malapit sa mga anyong tubig, na lumikas muna hanggang sa humupa ang pagbaha at tuluyang matiyak na wala nang banta ng pagguho ng lupa. (JESSE KABEL)

185

Related posts

Leave a Comment