SANGKOT SA NAKAWAN SA CAINTA LAGLAG SA MPSO

RIZAL – Arestado ang lalaki na itinuturong responsable sa mga insidente ng pagnanakaw sa bayan ng Cainta.

Sa Facebook page ng dating alkalde at ngayo’y municipal administrator na si Keith Nieto noong Miyerkoles, inanunsyo nito ang pagkakaaresto ng mga tauhan ng Municipal Public Safety Office (MPSO) sa suspek na taga-Pasig City.

“Siya ang suspek sa robbery hold-up sa BF Metal at isang tindahan sa Marick,” post ni Nieto. “Nahuli ang suspek sa mga CCTV camera ng Barangay Sto. Domingo.”
Inihain na ang reklamong robbery laban sa hindi na pinangalanang suspek.

Nauna rito, tatlong miyembro umano ng bolt cutter gang ang nanloob sa isang tindahan ng motor sa Block 29, Eastbank Road, Barangay San Andres, Cainta.

Rumesponde ang Cainta Municipal Police Station sa impormasyon hinggil sa panloloob sa Haus Motor. Nang maramdaman ng mga suspek ang pagdating ng mga pulis ay nagtakbuhan ang mga ito sa magkaibang direksyon. Dalawa ang sumakay sa kanilang motorsiklo habang naglaho naman sa madilim na eskinita ang isa pa.

Sa hot pursuit operation ng Cainta police katuwang ang mga operatiba ng Provincial intelligence unit ay natunton ang isa sa mga suspek matapos ang mahigit isang oras.

Nakumpiska sa suspek ang isang sling bag, isang .38 caliber pistol, at isang bolt cutter.

Nabatid na sangkot ang grupo sa serye ng robbery at carnapping sa mga bayan ng Taytay, Cainta, Binangonan, San Mateo, Rodriguez, Cardona at Antipolo City.

Patuloy ang operasyon ng pulisya laban sa iba pang nakatakas na suspek. (KNOTS ALFORTE)

317

Related posts

Leave a Comment