SEXUAL ABUSE SA MGA MAG-AARAL PINAAAKSYUNAN

NANANATILING walang komprehensibo at mapagpasyahang aksyon sa parte ng pamahalaan para mapagtuunan ng pansin ang napaulat na isyu ng pang-aabuso, panghaharas at iba pang uri ng marahas na insidente laban sa mga estudyante ng Philippine High School for the Arts (PHSA).

Nauna rito, may lumutang umanong isyu ng pang-aabuso, panghaharas at iba pang usapin ng karahasan sa PHSA.

Ang nasabing patuloy na pang-aabuso ay lumabas sa artikulo ng VICE World News noong nakaraang Hunyo 28.

Ayon sa Child Rights Advocates sa ilalim ng Child Rights Network (CRN), labis ang kanilang pagkabigla sa lumabas sa VICE report lalo na ang kawalan ng pananagutan sa ginagawang krimen laban sa mga kabataan.

Sinabi nila na ang napaulat na krimen laban sa mga kabataan ay “crimes of power” na may kaugnayan sa relasyon ng mga guro at mga magulang.

Sa “crime of power” sa napaulat na mga kaso, ang mga biktima ay pinagkaitan ng agarang tulong na nagdulot ng pagdurusa sa mga kabataan.

Ang lumabas sa VICE report ay hindi lamang nangyayari sa PHSA kundi maging sa iba pang mga paaralan kaya kailangan ipatupad ang “child protection policies, practices, and processes”.

Kaugnay nito, ang administrators ng PHSA at mga ahensya ng gobyerno, kasama ng Department of Education at Cultural Center of the Philippines ay pinakikilos para agad matugunan ang pang-aabuso sa mga paaralan.

Kasabay nito, nananawagan ang CRN sa DepEd, CCP at buong gobyerno na bilisan ang pag-iimbestiga, pagparusa at tiyakin na wala nang mga estudyante ang makararanas pa ng pang-aabusong sekswal at karahasan.

Hinikayat din nila na maging ang Department of Social Welfare and Development sa pamumuno ng bagong kalihim na si Erwin Tulfo, at ang Philippine National Police na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa krimen na nangyayari sa mga kabataan. (JOEL O. AMONGO)

82

Related posts

Leave a Comment