CAVITE – Ipinadala pa sa FB Messenger ng isang tricycle driver ang larawan ng mga bangkay ng apat na mga batang kanyang minasaker, sa ina ng mga biktima saka ito nagpakamatay matapos magtalo ang mga ito dahil sa selos at hindi umano pagpapada ng pera ng ginang na OFW, sa Trece martires City noong Huwebes ng tanghali.
Kinilala ang magkakapatid na mga biktimang sina Princess Viajan Marie Dona, 4; Bianca Rose Bisa, 10; Jacklyn Joy Bisa, 6, at Conrado Bisa, 6, pawang natagpuang patay sa loob ng isang silid ng kanilang bahay sa Brgy. Cabuco, Trece Martires City.
Bukod kay Princess na anak sa ibang lalaki, iisa lamang ang ama nina Bianca, Jacklyn at Conrado.
Namatay naman habang nilalapatan ng lunas sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang suspek na si Felimon Galisangga Escalona, 38, tricycle driver, at nakatira rin sa nasabing address.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Richard Chavez ng Trece Martires City Police, dakong alas-12:35 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag hinggil sa umano’y insidente ng pananaksak sa loob ng isang bahay sa nabanggit na lugar.
Nang magresponde, natagpuan ng mga pulis ang mga bangkay ng apat na mga bata na pawang may mga tama ng saksak sa katawan, sa loob ng isang silid.
Nakatusok pa ang kutsilyo sa dibdib ng suspek nang madatnan ito na isinugod din sa ospital subalit namatay habang nilalapatan ng lunas.
Natagpuan ang suicide note na isinulat ng suspek sa dingding ng bahay sa pamamagitan ng kanyang dugo. Nakasaad dito ang katagang: “Pasensya na, mahal kita Vir.” Virginia ang pangalan ng ina ng mga bata.
Ayon kay P/SMSgt. Chavez, anim na buwan pa lamang nagtatrabaho bilang OFW sa Saudi Arabia si Virginia pero palagi umano silang nagtatalo ng suspek dahil sa selos at hindi ito nagpapadala ng pera sa huli.
Dagdag pa ni Chavez, kinunan ng litrato ng suspek ang bangkay ng mga bata saka nito ipinadala sa FB Messenger sa kanilang ina.
Ang dalawa ay anim na buwan pa lamang nagsasama at nang umalis ang ginang ay ipinagkatiwala nito ang pag-aalaga sa kanyang mga anak sa suspek. (SIGFRED ADSUARA)
