Tagatago ng pera ng PDLs 30 WARDEN TATALUPAN

NASA 30 warden sa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor) ang sumasailalim na sa malalimang imbestigasyon matapos mabisto ang pakikipagsabwatan sa mga preso.

Pag-amin ni BuCor chief Gregorio Catapang, may mga patunay na ang kawanihan, sa pakikipagkuntsabahan ng ilang Bucor officials at personnel na nagtatago umano ng mga kinikita ng sindikato sa loob ng kani-kanilang binabantayang bilangguan.

Katunayan aniya, kamakailan lang ay kinumpiska ng kawanihan ang nasa P300,000 na umano’y ipinatago ng isang persons deprived of liberty (PDL).

Sa isang panayam sa telebisyon, hayagang sinabi ni Catapang na nakasentro ang pagsisiyasat sa pinanggalingan at paggagamitan ng pera.

“I doubt kung gagamitin sa mabuting paraan ‘yan dahil sa isang araw naman, hindi na nga kailangan gumastos ng more than P2,000 isang PDL eh,” ani Catapang kasabay ng giit na P2,000 lang kada araw ang pwedeng tanggapin ng bawat preso sa mga bilangguang pinangangasiwaan ng BuCor.

Pagtitiyak pa ng opisyal, nagkasa na rin ang BuCor ng mga reporma at panuntunan kaugnay ng pagpasok at pagpapadala ng pera sa PDLs.

“Gagawan natin ng sistema na ‘yung magpapadala. ‘Yung tumatanggap ng padala, kailangan pumunta siya sa office, i-register niya ‘yung pera na ipinadala, at siya mismo ang mag-aabot doon sa PDL pero may magwi-witness. Ilalagay sa logbook, ibi-video lahat ng transaction para sa ganon, hindi na maulit ‘yan o mahinto na ‘yan,” aniya pa.

Sisilipin din umano ang 12% na kinakaltas ng BuCor officials at personnel mula sa kabuuang halaga ng perang patago. (ANGEL F. JOSE)

14

Related posts

Leave a Comment