TOTAL BAN SA FIRECRACKERS MULING ISINULONG

SA hindi mabilang na pagkakataon, muling tatangkain ng Kongreso na maipasa ang isang panukalang batas na tuluyang magbabawal sa bentahan, distribusyon at paggamit ng firecrackers o paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Sa kanyang House Bill (HB) 5914 o “Firecrackers Prohibition Act”, nais ni Valenzuela Rep. Rex Gatchalian na tuluyang ipagbawal ang paggamit ng mga paputok kapag sinasalubong ang bagong taon.

Layon umano ng panukala na mabawasan o mapigilan ang mga aksidente sa mga gumagamit ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon na kung minsan ay sanhi rin ng mga sunog

Sa kanyang explanatory note, sinabi ni Gatchalian na may mga regulasyon na ipinatutupad laban sa mga paputok tulad ng Executive Order No. 28.s.2017 at base umano sa Department of Health o DOH, naging epektibo naman ito sa kampanya kontra sa pagpapaputok.

“Nonetheless, minor and young adults between 11 to 30 years old were still injured the most, and prohibited firecrackers such as boga, 5-star and Piccolo, still caused a significant number of cases,” ani Gatchalian.

Dahil dito, kailangan tuluyang ipagbawal na aniya ang pagbebenta, distribusyon at paggamit ng paputok sa bansa upang maiwasan ang aksidente at maiiwas sa disgrasya, hindi lamang ang mga tao kundi ang mga ari-arian.

Hindi ipagbabawal sa nasabing panukala ang paggawa ng paputok subalit kailangan ang permit at ang sino mang gagamit nito ay dapat kumuha aniya ng permiso sa Philippine National Police-Fire and Explosive Unit (PNP-FEU) at Local Government Unit (LGU) na siyang magtatalaga ng lugar kung saan dapat isagawa ang pagpapaputok.

Kapag naging batas ang nasabing panukala, makukulong ng hanggang isang buwan ang lalabag sa unang pagkakataon at multang P1,000; 3 buwan kulong at P3,000 multa sa ikalawang paglabag, at anim na buwan kulong at P5,000 multa sa ikatlong paglabag. (BERNARD TAGUINOD)

33

Related posts

Leave a Comment