ITINUTURING ng isang mambabatas sa Kamara na pampakalma lang sa transport sector ang pisong fare increase na nakatakdang ipatupad sa Oktubre 8, ngayong taon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Gayunpaman, sinabi ni House deputy minority leader France Castro na dagdag pahirap naman ito sa commuters na patuloy na pinagkakaitan ng makatarungan at disenteng umento sa kanilang sahod.
“A mere palliative,” ani Castro dahil ramdam na anya ng Malacanang ang galit ng transport sector sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ngunit ayaw nilang isakripisyo ang buwis na nakokolekta dito.
Ayon sa mambabatas, kung talagang nais ng gobyerno na matulungan ang transport sector kasama na ang commuters ay dapat aprubahan ng Kongreso ang kanilang panukala na magpapababa sa presyo ng mga produktong petrolyo lalo na ang diesel.
Kabilang dito ang House Bill (HB) 400 o Lower Oil Price Bill na magbabasura sa excise tax at VAT sa langis; HB 3003 o renationalize Petron bill; HB 3004 o unbundling oil prices bill; HB 3005 o centralized procurement of petroleum bill at HB 3006 o regulate the downstream oil industry.
(BERNARD TAGUINOD)
315