TRICYCLE DRIVER, PASAHERO HINOLDAP NG 2 NAKISAKAY

LAGUNA – Humantong sa kamalasan ang pagmamagandang loob ng magkapatid na sakay sa tricycle matapos na maholdap ng dalawang lalaking nakisakay mula sa ilang na lugar sa Brgy. Cueva, sa bayan ng Santa Maria sa lalawigang ito, noong Martes ng hapon.

Ayon sa report ng Sta. Maria, Laguna Police, sakay ng tricycle ang magkapatid na sina Norman at Cesar Bainto at tinatahak ang Marilaque Highway mula sa Infanta, Quezon patungong Mabitac, Laguna nang pagsapit sa welcome arch ng Brgy. Cueva, Santa Maria ay pumara ang dalawang lalaki dakong alas-4:00 ng hapon.

Makikisakay raw ang dalawa patungo sa kabayanan. Subalit habang nakasakay, biglang sinuntok ng naka-backride na suspek ang nagmamanehong si Norman.

Naglabas pa ito ng baril at inutusan ang nagmamaneho na pumasok sa isang maliit na rough road na patungo sa mabundok na lugar at doon inagaw ang kanilang mga gamit.

Kinuha ng mga suspek sa dalawang biktima ang P103,000 cash money at kanilang mga cellphone.

Agad tumakas ang dalawang suspek patungo sa kabundukang bahagi ng lugar.

(NILOU DEL CARMEN)

94

Related posts

Leave a Comment