UE NAGLULUKSA SA PAGKAMATAY NG ESTUDYANTE

patay

PATAY ang isang 19-anyos na estudyante matapos umanong mahulog mula sa ikasiyam na palapag ng isang gusali sa loob ng University of the East (UE) campus sa Caloocan City noong Lunes ng umaga, Enero 23.

Ayon sa Caloocan City Police Station (CCPS), nakarinig ng malakas na kalabog ang isang school utility personnel dakong alas-6:25 ng umaga at kalaunan ay nadiskubre niya ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa drainage.

Base sa Facebook post ng UE Dawn, publication ng UE, nahulog ang biktima mula sa Lucio C. Tan Building sa loob ng campus.

Naisugod pa sa Manila Central University Hospital ang biktima ngunit idineklara itong patay dakong alas-10:30 ng umaga.

Samantala, nagpahayag ng kalungkutan ang pamunuan ng UE sa insidente.

Sinabi nito na ang paaralan ay nakipag-ugnayan sa CCPS hinggil sa isinasagawang imbestigasyon, at tiniyak nilang walang foul play sa insidente.

“Ang buong komunidad ng UE ay nagluluksa sa kalunos-lunos na pagkawala ng isang batang buhay, at hinihikayat namin ang lahat na ipagdasal ang kanyang walang hanggang kapahingahan,” ayon sa binasang pahayag ng unibersidad.

Sinabi rin ng pamunuan na magbibigay ito ng suporta na maaaring kailanganin ng pamilya ng biktima.

Pinaalalahanan nito ang mga estudyante na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa isang tao kapag may problema. Nagbigay rin ito ng impormasyon sa pakikipag-ugnayan sa Guidance, Counseling and Career Services Office (GCCSO) at National Center for Mental Health Crisis ng paaralan, na nangangasiwa sa mga indibidwal na nakararanas ng pagkabalisa. (ALAIN AJERO)

32

Related posts

Leave a Comment