BANGAW DRUG GROUP MEMBER, 8 PA HULI SA QC

INANUNSYO ni Quezon City Police District Director P/BGen. Antonio C. Yarra ang pagkakaaresto sa siyam na drug suspect kasama ang isang miyembro ng kilabot na Bangaw drug group sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operations noong Huwebes sa Quezon City.

Kinilala ni P/Lt. Col. Richard Ian Ang, station commander ng Novaliches Police Station (PS-4), ang mga suspek sa unang operasyon na sina Baldrich Madeja, alyas “Buang”, 32; Emmanuel Gudilos, alyas “Manny”, 59; Jenny Tautjo, alyas “Boyong”, 39; Robert Domingo, 24, at Julius Calixtro, 25-anyos.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation laban kay Madeja dakong alas-7:15 ng gabi noong Setyembre 30, 2021, sa San Martin St., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City matapos i-report ng confidential informant ang hinggil sa illegal drug peddling activities.

Isang police poseur buyer ang bumili ng P2,200 halaga ng shabu mula kay Mejada na dumating pati ang kanyang mga kasamahan at nang magbigay pre-arranged signal ang pulis ay agad inaresto ng mga awtoridad ang mga suspek.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang umano’y shabu na P23,800 ang halaga, cellular phone, motorsiklo at ang buy-bust money.

Sa isinagawang imbestigasyon, nabatid na si Madeja ay miyembro ng Bangaw drug group na sangkot sa pagpapakalat ng illegal drugs sa Quezon City at iba pang kalapit na lugar. Si Madeja ay nauna nang naaresto dahil sa robbery holdup.

Samantala, naaresto naman sa mga tauhan ng Holy Spirit Police Station (PS-14) ang apat na drug suspects dakong alas-7:10 ng gabi noong Setyembre 30, 2021, sa Saint Andrew St., Little Baguio, Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Kinilala ni P/Lt. Col. Jeffrey Bilaro, station commander ng PS-14, ang mga suspek na sina Cruzalda Dela Cruz, 43; Leian Danguilan, 32; Roberto Castillo, 36, at Jester Villarin, 21-anyos.

Nakumpiska sa kanila ang 11 sachets ng shabu na may timbang na 15 gramo at tinatayang P102,000 ang halaga, at ang buy-bust money.

Ang mga suspek ay kinasuhan ng paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOEL O. AMONGO)

158

Related posts

Leave a Comment