NASAGIP ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 14 indibidwal na sakay ng lumubog na MBCA Ayoshi Kim Rin 8 sa karagatan sa pagitan ng Balicasag Island at Panglao sa Bohol noong Martes, Pebrero 25.
Nang matanggap ang impormasyon, agad nagtungo ang Coast Guard Substation (CGSS) Balicasag sa nasabing lokasyon at nagbigay ng kinakailangang tulong.
Ligtas na inilipat ng rescue team ng Coast Guard ang 12 pasahero, isang boat captain, at isang crew member ng distressed motorbanca, sa MBCA Nika at Niah Naj.
Habang hinila naman ang motorbanca patungo sa baybayin ng Panglao.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-malfunction at huminto ang motorbanca habang patungo sa Panglao, dahilan para mawalan ito ng kontrol lalo na nang makasagupa ang malalaking alon at malakas na agos na nagdulot ng pinsala sa bangka.
Nasa maayos namang kalagayan ang lahat ng nasagip na mga indibidwal at itinurn-over sa Municipal Environment and Natural Resources Offices (MENRO) Panglao para sa karagdagang tulong. (JOCELYN DOMENDEN)
